Sunday, December 7, 2014

HANDA KA NA BANG MAGING ARKITEKTO?


Architecture Board Exam is just a month away for the next batch of Filipino Architects. Few weeks from now is the final step towards getting the license you’ve work hard for 5 years (or more) + 2 years apprenticeship.

It’s been 7 months since I passed the Licensure Exam for Architects, and 4 months since I passed the Master Plumber’s Licensure Exam, so I experienced the ups and downs of review. Preparation for the exam really need your focus, attention, and dedication to make sure you are not going to be a repeater. But before you decide if you are going to take the challenge, you must first question yourself: AM I READY FOR THE BOARD EXAMS?


Naaalala ko pa last year, hindi ko sure kung mag-dedecide ba akong mag-take ng Board Exam for June kasi unang-una, I am a fresh graduate of 2013. You have to comply for the 2 years apprenticeship, but because of the revisions on the RA 9266 (which includes the Internship acquired from College), I decided on the start of 2014 na I will take the challenge.

Here are the tips for the takers based on my experience:

1. TANUNGIN MO ANG SARILI MO KUNG HANDA KA NA BA TALAGA.
I decided that time to take the exam and ipinangako ko sa sarili ko na gagawin ko ang lahat para pumasa. Sa una mahirap kasi iisipin mo kung ano ang sasabihin ng tao sa paligid mo kapag bumagsak ka. Kung ano ang kahihiyang sasapitin mo kapag sumabit ka. Ayun ang una mong dapat paghandaan kung magdedesisyon kang kumuha ng exam. Pero hindi naman ibig sabihin na uunahan mo na ng negativity ang utak mo, ang dapat mong isipin ay kailangan mong pumasa. Dapat kang pumasa.

RA 9266, BP 220, RA 9514, PD 1096, Ang daming kakabisaduhin. Ampf.















2. WAG MONG ISIKRETO ANG PAGREREVIEW MO, BAKA MABALIW KA.
Nakapag-enroll na ako’t lahat lahat, wala akong pinagsabihan na kaibigan na magta-take ako ng exam. Iniisip ko na mas magandang malaman na lang nila kapag may resulta na para surprise. At magandang hindi na nila malaman para kapag bumagsak ka menos sa kahihiyan. Pero sobrang hirap dahil habang nagre-review ka, para kang bomba na anytime ay pwedeng sumabog. Wala namang masama kung ipapaalam mo lalo na sa mga malalapit na kaibigan mo, para kapag inatake ka ng pressure, may mapagsasabihan ka.

3. MAS MAGANDA KUNG MAY KAIBIGAN KANG KASABAY MAG-REVIEW.
Dahil nga sinarili ko ang pagrereview ko, halos isang buwan din akong pumapasok sa review center mag-isa. Wala akong kakilala, o kahit sinong makausap. Yung mga kaklase ko, naggo-group study habang breaktime, samantalang ako paulit-ulit binabasa yung reviewers na parang hindi din pumapasok sa kukote ko. Sa review center ko na lang din nadiskubre na may dalawa pa akong kaklase noong college na nagsikreto din ng review, kaya nagkaroon ako ng review buddies. Mas maganda ang may kasama ka dahil may karamay ka ng kaba at takot mo, at nagkakaintindihan  kayo ng pinagdadaanan niyo.

Meet my brothers and review buddies: Ram and Jolo. 

4. PWEDENG MAGREVIEW SA LABAS, WAG PURO BAHAY.
Tuwing weekends, napagdesisyunan kong sa UP mag-review.Tuwing Sabado at Linggo, dun ako tumatambay bitbit ang mga reviewers ko. Hindi din ako makapag-review sa bahay dahil maingay, kaya mas pinili ko doon para mas tahimik, mapayapa, at maaliwalas. Mas nakaka-inspire din mag-review na nakikita mo ang mga gawa nila Juan Nakpil, Cesar Concio, at ang nililok ni Guillermo Tolentino. Malay mo, matsambahan mo pa si Ramon Bautista, bibigyan ka niya ng words of encouragement.

Oblation by Guillermo Tolentino. Ang naging kanlungan ko during my review days
Ramon Bautista: Ang dakilang pogi ng UP Diliman.

5. MAGRELAX DIN KAPAG MAY TIME
Wag mong dibdibin ang pagre-review, maglaan ka din ng time para makapag-unwind ka. Nagse-set kami nun ng mga review buddies ko ng araw na pahinga muna sa pagbabasa. Kapag sumasakit na ang ulo namin sa pagbabasa, nagjojogging kami at nagkkwentuhan ng mga buhay buhay. Kumakain din kami sa labas, at minsan nagbi-bike akong mag-isa kapag feeling ko sasabog na ang utak ko.

Jogging during free time. Pwedeng pwede naman. From left: Ako, Julius, Marco, Ram. @UP Diliman Academic Oval.

6. MAKIPAGKAIBIGAN SA MGA KAKLASE SA REVIEW CENTER
Mas effective kung pati mga kaklase mo sa review center kakaibiganin mo dahil unang una, kahit sa iba’t ibang review center ang pag-enrollan mo ng basic, design at refresher, sila sila pa din ang makakasama mo. Sila pa minsan ang mag-uupdate sayo kung walang klase, na-move ang schedule o may anumang pagbabago sa lessons niyo.

Ang mga naging kaibigan ko din sa CDEP ang mga nakasama ko hanggang sa mga huling oras ng review. Madalas, inaabot pa kami ng hanggang hatinggabi sa review center sa paggo-group study para lang maalalalayan ang isa’t isa. Kaibiganin mo din ang mga lecturers niyo, admin staff, maging mga tindahan sa paligid ng review centers. Sila ang mga taong nakakaintindi ng pinagdadaanan mo, at mas masarap mag-aral ng may suporta galing sa ibang tao.

Certified Tropang CDEP: April, Julius, Ivan, Ram, Emman, PM, Brintong
With Interior Design lecturers.

7. MAKINIG KAY SIR JEJE
Marahil hindi na bago sa inyo ang “Living Legend” ng CDEP. Maski mga taga-ibang review center, kilalang kilala siya. Sa unang tingin, hindi mo aakalaing siya ang isa sa mga beteranong pangalan sa industriya ng review centers, pero sinasabi ko sayo, making ka sa lahat ng tinuturo at sinasabi niya. Ilista moa ng lahat ng mga sasabihin niya, dahil hindi lang pang-Board Exam ang matututunan mo sa kanya. Siguraduhin mong hinding hindi mo mapapalampas kahit isang araw sa subject niya, dahil malaki ang katumbas ng isang araw na yon. Naalala ko na halos lahat ng lumabas sa Building Tech at Utilities noong batch namin, naituro ni Sir kaya pilitin mong wag umabsent. Lalo na kapag Concrete ang ituturo niya kasi sasabihin niya din sayo na di niya na yun uulitin at yun ang pinaka-importante dahil magagamit mo yun sa practice. Magdala ka din ng alay para sigurado ang pagpasa mo. Pwede mo din siyang pahiran ng panyo, para mabatukan ka ng di oras.

Naalala ko nung mga panahon na yun, sa dami dami ng reviewers na nakolekta ko mula sa iba’t ibang review centers, magkakaiba ang sagot. Pwede ka namang magtanong kay Sir Jeje ng tamang sagot, wag mo lang ipapakita ang reviewers mo na galing sa ibang review centers dahil siguradong ibabato niya yon. Siya ang isa sa mga taong magiging inspirasyon mo habang nagrereview ka. 

A Goodluck from the Master. Medyo emotional the day before the exam.
Tropang CDEP: PM, Julius, Marco, Cara, Sir Jeje, April, Ako, Ram

8. AYUSIN MO NA ANG PRC REQUIREMENTS MO BAGO PA MAHULI ANG LAHAT
Sineseryoso mo ang review pero malalaman mo sa bandang huli na di ka pala qualified. Oo, unahin mo muna ang requirements mo at pilitin mong magpasa ng mas maaga para may allowance ka. Nangyari sa akin nun na 5 days before deadline nang mag-apply ako sa PRC, tapos dun ko malalaman na mali pala ang transcript ko. Dito maraming nagkaproblema dahil ang kailangan na transcript, may *FOR BOARD EXAM PURPOSES. Kaya ngayon pa lang, icheck mon a kung meron yang sayo at 30 days ang processing niyan. Siguraduhin mo din na ayos ang lahat ng requirements mob ago ka pumunta, or at least 1 month before the exam para wala nang sagabal kapag nasa momentum ka na ng pagrereview mo.

Ingatan mo din ang ibibigay nila sayong NOA o Notice to Proceed, iwala mo na lahat wag lang yan. Hindi ka makakapag-exam kapag hindi mo to napresent sa proctor niyo.

NOA (Notice of Admission). Please pakiingatan at
wag niyong iwawala. Importante to dahil di kayo makakapagexam kapag wala to.

9. MAGBASA NG MAGBASA NG MARAMING QUESTIONS, YUN AT YUN DIN ANG LALABAS
1 month before the exam, nagsawa ako kakabasa ng mga lectures at kung ano anong makakapal na reviewers. Ang pinakaeffective na review sa mga ganitong pagkakataon ay magpractice kang sumagot ng mga questions para nata-train mo din ang sarili mong manghula, process of eliminations, etc. Kapag kasama ko din ang mga kaibigan ko, nagtatanungan din kami ng mga bagay na related sa arki na madadaanan/maeencounter namin. Nagiikot pa kami ng mga buildings at ina-identify naming ang mga utilities, building systems, at standards. Maraming paraan ang pafre-review, wag yung puro basa basa lang.

10. MATULOG NG MAAGA.
Isa siguro ito sa mga pinakaimportanteng matutunan mo. Magpractice ka nang matulog ng maaga one month before the exam. Eto ang isa sa mga pinagsisihan ko nung nagrereview ako. The night before the board exam, hindi ako nakatulog dahil sa sobrang excitement at kaba. Kahit anong pilit kong matulog, hindi ako nakatulog. Hanggang sa sumapit ang mismong araw ng board exam. Bago mag-exam nun, naiyak ako hindi dahil sa pressure, kundi dahil wala akong tulog. Ang hirap magexam ng walang tulog, promise. Ang sakit sa ulo at saka mame-mental block ka dahil parang umiikot ang paningin mo. Wag mong hayaang masayang ang ilang buwan mong kinabisado at inaral dahil lang hindi ka nakatulog.

11. IIYAK MO NA YAN 3 DAYS BEFORE EXAM
Korni pakinggan pero iiyak at iiyak ka din bago mag-exam. Promise. Sa laki kong tao, akala ko babae lang ang iiyak pero halos lahat ng kakilala kong nag-review umiyak. Wag mong plastikin ang sarili mo. Dala na sa tindi ng pressure, stress at kaba dahil oras na lang ang bibilangin mo sa exam, kailangan mo ilabas lahat yan kesa kimkimin mo hanggang sa mismong araw ng exam. Naalala ko nun nung magdasal ako sa simbahan, dun ko nafeel yung pagod at takot ng maaaring kahihinatnan ng resulta. Pilitin mong umiyak 3 days before para 2 days before, relax relax ka na lang at bawas na ang bitbit mo. Mas nakaka-uplift din yung suporta ng mga kaibigan mo sa iyo. Sa mismong araw ng exam, ultimong good luck text malaking bagay sayo.

Meet our Nanay during the review days. One of our best encouragers.
With Ms. Jayzel. :)

12. MAGBAON NG CANDIES, BISCUITS AT TINAPAY; WAG SINIGANG O NILAGA
Kahit gaano karami ang baon mo, hindi mo rin yan makakain. Hindi mo na maiisip pang kumain dahil mas nakapokus ang atensyon mo sa sinasagutan mo. Nakakatakot din kumain dahil baka matalsikan yung answer sheet mo, at hindi mabasa ng machine. Magbaon ka lang ng pagkaing tuyo, at yung tipong hindi mo na kailangang gamitan ng kutsara. Ikaw din, kapag natalsikan yan, iyak tawa ka. Baka ibigay mo lang din yan sa mga batang nanghihingi ng baon sa labas ng MLQU.

13. MAKINIG SA INSTRUCTIONS, WAG KANG EXCITED
Oo. Eto siguro ang isa sa pinakaimportanteng part ng exam dahil magkamali ka lang ng intindi sa sinasabi ng proctor, tapos ang pinaghirapan mo. Makinig kang mabuti lalo sa mga isusulat at ishe-shade, kasi may mga ishashade na gagamitan ng lapis, at may gagamitan ng black ballpen. Naalala ko yung kasabay ko sa room, first day ng exam at dahil sa sobrang excitement, na-shade ng ballpen ang dapat ay lapis lang. Wala akong balita kung nakapasa siya o hindi, pero hindi mo na siya kailangang tularan. Wag mong balewalain ang mga instructions ng proctor. Excitement sometimes kill you.

14. MAGING HANDA SA MAGIGING RESULTA, WETHER YOU LIKE IT OR NOT
Ito ang pinakamahirap na part ng Board exam, ang maghintay ng resulta. Ang 4 days, parang nagiging isang buwan at nakakapraning. Dito mo na pinaparanoid ang sarili mo at pinipilit mong bilangin kung ilan ba ang nasagot mo ng tama, at kung ilan ang mali mo. Inihahanda mo na rin ang sarili mo kung paano mo haharapin ang kahihiyan kung sakaling bumagsak ka. Eto lang ang sasabihin ko sayo: basta binigay mo ang best mo, wala kang dapat pagsisihan. Saka wag kang panghinaan ng loob hangga’t walang resulta. Tanging PRC at ang Diyos lang ang nakakaalam niyan kaya wag mong pangunahan.

Oath Taking Ceremonies at SMX Convention Center.

Meet the new architects: Emman, Cyruz, Marco, Ram, Ako, April and Julius.
Ang Board exam, 50% Effort 50% Luck. Hindi porke todo ang pagsusunog mo ng kilay, sure ka nang pasado ka na. At hindi rin porke hindi ganung karami ang nakabisa mo, alanganin ka na. Swertihan lang din yan. Kung pumasa ka, very good dahil nagbunga ang paghihirap mo. Kung bumagsak ka, may mga hindi ka lang naseryoso pero hindi ibig sabihin nun katapusan na ng mundo mo. Mas pinaghihirapan, mas fulfilling. Syempre, wag ka ding mag-eexpect at wag masyado maging kampante sa sarili dahil baka iyan pa ang ikabagsak mo.

Hindi din masamang mangarap mag-top o kahit makapasok man lang sa sampu, dahil lahat naman tayo pangarap yan. Ang sarap kaya ng pakiramdam na nagmamartsa ka sa red carpet, pinapalakpakan ka ng mahigit isang libong arkitekto, nangangarap na sila ang nasa katayuan mo, pero syempre, wag mong masyado ilagay sa ulo dahil baka masaktan ka lang. Ang pagpasok sa Top 10, bonus na lang yan. Ang importante, nakuha mo ang lisensyang pinapangarap mo at pinagpaguran mo ng ilang taon. Eto na yata ang pinakamagandang maireregalo mo sa mga magulang mo. Ang maisama mo sila sa Oath Taking mo at makita ka nilang nanunumpa dahil isa ka nang ganap na Arkitekto.

With Architect Rey Gabitan, and my College Dean Architect Ted Inocencio.
My Proud Ermats.
Mayroon ka pang halos 2 buwan para mag-aral. Nasasayo din kung pakikinggan mo ang mga payo ko. Napagdaanan ko na yang pinagdadaanan mo. Magtiis at magsakripisyo ka na ng dalawang buwan, kesa magsakripisyo ka na naman ng anim pang buwan. Pilitin mo ding enjoyin ang review dahil isa yan sa pinaka-magiging memorable na parte ng buhay arkitekto mo, at ikukwento mo din ang mga pinagdaan mo sa mga susunod pang mga bagong arkitekto. Ito na ang huling hakbang sa katuparan ng pangarap mo, kaya don’t miss the chance. Pilitin mong isang take ka lang. At saka i-enjoy mo lang, hindi naman lisensya ang basehan kung sino ka sa field. Pantay pantay lang tayo, pinagkaiba lang may nakakabit nang Arch. sa umpisa ng pangalan mo at uap sa dulo. May dagdag tax ka lang din na babayaran.

Kaya galingan mo. Namnamin mo. I-enjoy mo. At panisin mo lang ang Board Exam. Apat ang choices kaya mayroon kang 25% chance. May dalawang buwan ka pa kaya may chance ka pang madagdagan ang chance na kailangan mo.


Kaya ano, handa ka na bang maging Arkitekto? :)


PS. I dedicate this to those people whom I shared these experiences during the review especially to my parents, for the unwavering support. Sa dalawa kong kaibigan na hindi ako iniwana hanggang sa huli, Ram at Jolo, at sa mga tropang CDEP na nakilala ko lang sa review pero mga naging kaibigan: Julius, April, Marco, Neil, Cyruz, Jeff, Emman, at madami pang iba. Sa Review Centers, especially CDEP, for the full support especially nung halos maging bahay na namin ang review center. Mam Jayzel, kay Nanay, all the lecturers of CDEP especially Sir Jeje, na naging inspirasyon ko at hanggang sa huling sandali nag-encourage sa akin lalo na nung pinanghinaan ao ng loob, Arch. Rey Gabitan for the design lectures, and my College professors and mentors. Hindi po ako magiging arkitekto kundi dahil sa inyong lahat. Maraming Salamat po! :)

1 comment:

  1. Sir, sa tingin nyo kayang pumasa kahit walang review center?

    ReplyDelete