Saturday, February 21, 2015

THAT THING CALLED TADHANA NGA BA?


Marami sa atin ang naniniwala sa tadhana. Umaasang matatagpuan ang tadhana nila. At hanggang sa ngayon naghihintay ng nakatadhana para sa kanila. Ano nga ba ang Tadhana? Siguro maide-describe mo ang salitang tadhana sa katagang halos lagi nating naririnig sa mga broken hearted. “Kung para talaga kayo sa isa’t isa, kayo talaga”. Madalas palusot ng mga nang-iwan. Pinanghahawakan ng mga umaasa. Kadalasang advice na makukuha natin sa mga kaibigan. Na halos palagi nating naririnig tuwing inuman at usapang lovelife.

Kumbaga sa Crayola, medyo pudpod na. Kumbaga sa ice cream, tunaw na. Kumbaga sa empleyado, pa-retire na. Pilit tayong umaasa at naniniwala sa bagay na alam naman nating masasaktan lang tayo. Naghiwalay kayo, tapos iaasa mo sa tadhana kung may pagasa pa bang magkabalikan kayo.

Paano mo ba masasabing destiny? Kapag ba ang unang pagkikita niyo nasundan pa ng isa pang pagkakataon eh matatawag mo nang tadhana? Eh yung naghiwalay kayo pero nagkabalikan pagkatapos ng maraming taon? Pwede ding naka-survive kayo ng pitong taon pero sa bandang huli maghihiwalay din kayo at sasabihin mong tadhana ang nagdikta sa inyo. Pwede din namang hindi ka pa nagkakaroon ng karelasyon, o hindi mo pa naranasang mahalin dahil hindi pa dumadating yung nakatadhana sa yo. Pwede din namang nanloko ka, tapos isisisi mo sa tadhana para pagtakpan ang lahat ng pagkakamali mo.


Medyo naging trending ang Tadhana na yan dahil sa pelikulang “That Thing Called Tadhana” na pinagbibidahan ni JM De Guzman at Angelica Panganiban. Hugot movie of the year daw, dahil na rin siguro sa dami ng nakakarelate saka sa dami ng mga taong naniniwala sa tadhana. Simple lang naman ang istorya, parang tipikal na istorya lang ng bawat taong kilala ko. Pitong taon ang itinagal ng relasyon ni Mace (Angelica) at ng boyfriend niya. Nagpunta sa Roma upang surpresahin ang kasintahan pero sa bandang huli siya pala ang masosorpresa. Ayun lumalandi pala ang gago. Hanggang sa magkakilala sila ni Anthony (JM De Guzman) sa airport pabalik ng Pilipinas. Parehas silang galing Roma. Parehas silang broken-hearted. Pero pinagtagpo sila ng sitwasyon. Doon pa lang masasabi mo nang tadhana ang nagtakda non.

Maraming hugot lines sa pelikula na tatatak sayo habang pinapanood mo. Mapapangiti ka dahil nakakarelate ka. At maluluha ka kasi damang dama mo. Hugot na hugot kumbaga. Sapul na sapul.


Bakit ba kayong mga mapeperang mga babae, ang hilig n’yong hinahanap ang sarili n’yo sa Baguio? Ba’t ba Baguio? Hindi ba pwedeng sa inuman na lang?

"Kailangan ko munang hanapin ang sarili ko." Isa siguro sa bagay na hindi ko maintindihan sa mga babae. Konsepto ng soul searching. May mga pagkakataon talaga na kakailanganin mong mag-isa. Pupunta sa malayo, at doon mag-iinarte. Maganda naman talaga ang konsepto ng soul searching, dahil makakapagmuni- muni ka sa mga bagay na dapat ay matagal mo na palang inisip. Dito ang kalaban mo lang ay yung sarili mo. At mas makikilala mo kung ano ba ang naging pagkukulang mo hindi lang sa relasyon niyo kundi pati na rin sa sarili mo. Marami akong kakilala, hindi sa Baguio hinahanap ang sarili kundi sa bundok.


Alam mo yung sinasabi nila na kung kayo, kayo talaga? Kung kayo, babalik sya sayo. Tangina! Nakakagago yun eh! Ano yun? Iaasa ko na lang sa hangin? Sa tadhana? Sa isang bagay na hindi ko nakikita yung future nyo ng taong mahal na mahal mo?

Para kang naghagis ng papel sa hangin tapos hihintayin mong bumalik ng kusa sayo. Chase you dreams nga kumbaga. Lahat ng bagay, kung gusto mong makamit dapat paghirapan mo. Mapa-career, business, pagaaral o sa pag-ibig man yan, dapat pinagbubuhusan ng panahon at effort. Hindi naman yan parang lotto lang na iaasa mo na lang sa kapalaran.

Kung gusto mo talaga ang isang tao, gumawa ka ng way. Kung gusto mo ng second chance at magkabalikan ng ex mo, ikaw na ang mag-effort. Gawin mo ang lahat ng paraan para patunayan na deserving ka para sa isa pang pagkakataon. It’s better to shit your pants than to die of constipation.

 
Bakit, kapag sinabi ba niya kung bakit, may magbabago? Ang bottomline, hindi ka niya mahal.

Ano bang naging pagkukulang ko? Ano bang naging pagkakamali ko? May mali ba skin? Eto marahil siguro ang palaging tinatanong sa sarili ng mga taong iniiwan. Kapag nagse-self pity pilit mong hinahanapan ng butas ang sarili mo. Kinakargo mo ang lahat ng pagkakamali at pilit mong ibinababa ang pride mo. Sa totoo lang, hindi mo na naman kelangan malaman ang sagot sa bakit. The fact na iniwan ka, ibig sabihin lang nun hindi ka na niya mahal. Itanim mo sa kukote mo yan. Kasi kung mahal ka niya, kung meron mang pagkakamali sayo, pinilit niya dapat yung ayusin sa course ng relasyon niyo. Pwede ding mahal ka pa niya pero napagod na siya.


Paano ba makalimot?

Ito na siguro ang pinakamahirap na tanong na kailangan mong sagutin pagkatapos ng lahat lahat sa inyo. Kahit anong gamitin mong formula, hinding hindi mo makukuha ang sagot. At kahit anong equation, malamang susuko sa sagot na hinahanap mo. Sa totoo lang ikaw lang naman ang nakakaalam niyan kung paano ka makakalimot. Pwede kang maging lasenggera. Iinom mo ng alak gabi gabi lahat ng hinanakit mo hanggang sa makalimutan mo. Pwede ka ding mag-drugs. Pwede mong gawing pariwara ang buhay mo tapos isumbat mo sa kanya na siya ang dahilan kung bakit ka naging ganun. Pero pwede din naman na maging positibo ang pananaw mo sa buhay, depende na lang siguro sa takbo ng isip mo at sariling prinsipyo mo sa buhay. Pwede ka namang mapalapit sa Diyos, dun ako nakakasigurong hinding hindimang-iiwan sayo. Marami namang nagmamahal sayo, hindi mo lang pinapansin dahil masyado mong ibinuhos lahat sa minamahal mo. Mrami ka ding kaibigan na anjan para sayo. Hanapin mo na lang lahat ng ideals mo sa mga tao sa paligid mo para masuklian ang pagmamahal na hinahanap mo. Pramis mas masaya.


Kasi ‘yung ganyang kalaking pagmamahal, ganyang overwhelming love, imposibleng walang pupuntahan eh. May mababalik sayong pagmamahal. Not necessarily sa taong pinagbigyan mo, pero sigurado ako, mababalik ‘yan sa’yo.

Ayan ang hirap sa love na yan eh. Magmamahal ka tapos ibibigay mo ang lahat. Hindi ka magtitira para sa sarili mo. Dadating sa punto na nawala na lahat ng priorities mo dahil sa kanya mo na ibinuhos ang lahat. Napabayaan mo na ang sarili mo. Hindi mo na napansin ang ibang taong nakapaligid sayo. Hindi mo na nasasamahan ang mga kaibigan mo, ni pamilya mo hindi mo napapansin sa pang-araw araw mong buhay. Lahat ng atensyon mo ibinigay mo para sa kanya. Buong oras mo sa kanya mo lang ipinaikot, hanggang pati sa isip mo. Eh anyare? Iiiwan ka. Lolokohin ka. Tapos dun mo lang mare-realize na basag na basag ka dahil masyadong overwhelming ang pagmamahal na ibinigay mo sa kanya. Siguro ito ang isang dahilan kung bakit hindi kaagad nakakamove on ang tao. Hindi ka lang sanay sa panibagong buhay at routine na hinaharap mo kasi nga ibinigay mo lahat. Hindi mo kayang mag-adjust kasi ayun ang nakasanayan mo. Saka mo maaalala yung pamilya mo at mga kaibigan mo. Dun papasok yung mababalik na pagmamahal. Hindi naman necessarily na palaging manggaling sa taong pinagbigyan mo. Pero sa mga taong nasa paligid mo.

 
Para sakin kung mahal mo, habulin mo, dapat ipaglaban mo yun. Wag mong hintayin na may magtulak sa kanya pabalik sayo. Hatakin mo hangga’t kaya mo. Wag kang susuko. Wag kang bibitaw. Sorry. Mahal ko eh.

May dalawang mukha ang katagang ito eh. Para sa mga iniwan at nang-iwan. Kung ikaw yung iniwan, at hindi mo matanggap na ipagpapalit ka, pwede mong ipaglaban kasi unfair para sayo yun. Pangako niyo sa isa’t isa kayong dalawa lang hanggang huli tapos malalaman mo na lang na may kinalolokohang iba? Ipaglaban mo hanggang sa huli. Gawin mo ang lahat ng magagawa mo para mapabago mo ang isip niya. Di bale nang mayurakan ang pride mo, basta ginawa mo ang lahat hanggang sa huling sandali. Mas maganda na yung wala kang regrets, kasi nga ginawa mo lang yung parte mo. Nagmahal ka eh.

Para naman dun sa mga nanloko. Hinding hindi mo naman masisisi ang sarili mo. Nagmahal ka lang din naman. Yun nga lang may masasaktan ka. Dito na papasok ang paninimbang. Timbangin mo kung kanino ba ang sa tingin mo sasaya ka. Siguraduhin mo lang na hindi mo pagsisisihan kung ano ang magiging desisyon mo. Kung mas pinili mo si number 2 then let it be. Wag ka nga lang mamamangka sa dalawang ilog kasi baka malunod ka. Kung pinili mo si pangalawa, siguraduhin mong tutuldukan mo yung kay Number 1. Ang hindi ko lang maia-assure sayo eh kung magiging worth it baa ng naging desisyon mo. Malay mo hindi naman pala talaga seryoso sayo si Number 2, tapos ipinagpalit mo sa taong unang minahal mo, eh di para kang nagtapon ng ginto para lang sa isang bato. Ikaw din, baka matulad ka sa kaibigan ko. Hindi na marunong magmahal at hanggang ngayon minumulto ng nakaraan. Baka mag-iba ang prinsipyo at pananaw mo sa buhay.


To the great people we could have been.

Mare-realize mo na lang naman ito kapag naka-move on ka na. Kung sino ka na dapat ngayon kung hindi nangyari sa yo yung experience mo. Oh kung ano na ba narating mo kung hindi mo siya nakilala. Lahat naman tayo, may ibang opportunities na pinapalampas sa bawat bagay na pinipili natin. Parang sa pag-aapply ng trabaho lang yan. Mas tatanggapin mo ang offer ng kumpanyang ito kasi feeling mo dun ka suitable. Kahit hindi mo naman alam kung ano ang mai-ooffer ng iba pang kumpanya sayo. Parang pagmamahal din yan. Pinili mo siya, kahit hindi mo alam na may ibang tao pa na umaaligid sayo na mas hindi ka sasaktan. Diyan siguro tayo pinaglalaruan ng tadhana. Pero naniniwala ako na kaya sayo ibinibigay ng tadhana yan, may gusto siyang bagay na ituro sayo. Na ma-realize mo na tanging siya lang ang makapagpapa-realize sayo. Para sa ikabubuti mo. Kaya dapat no regrets kapag nagmahal. Kasi ginusto mo yan.


Alam mo yung love na 8 years na kayo? Sa ganong love ka pa ba magdududa? Pero wala pala sa tagal ng relasyon yun. Ke eight months kayo o eight years, kung gusto ka niyang lokohin, lolokohin ka niya. Pag hindi ka na niya mahal, hindi ka na niya mahal."

Time is not the basis of everything. Hindi porke sobrang tagal niyo na, forever kayo na. Hindi porke 8 years na kayo, kayo na. Mas mahirap pa ngang tanggapin yung sobrang tagal niyo saka ka lolokohin. Kumpara mo sa 8 months, hindi mo pa ganung lubos kilala yung tao kaya may rason ka kung bakit pwede ka pa niyang ipagpalit. Kung gusto ka niyang lokohin, lolokohin ka niya. Ibig sabihin lang niyan, nagsawa siya sayo o saka niya lang nakita yung ugali mo na hindi niya nakita sa loob ng mahabang taon ng pagsasama niyo. Sabi nga ng isang kaibigan ko, “True love fades”. Kaya nga paulit-ulit kong sinasabi na magtira ka para sa sarili mo. Ke 8 years pa kayo. Para hindi ka mahirapang bumangon.

 
Dun ko sinigaw lahat. Lahat ng galit ko. Lahat ng sakit. Lahat ng gusto kong sabihin sa kanya na di ko nasabi. Lahat. Pero hindi nawala lahat ng sakit pero at least nabawasan.

Siguro sa buong part ng movie, ito ang pinakanagustuhan ko. At tumatak sa akin. Dito din ako medyo naiyak. Ito yung part na nasa Sagada sila Mace at Anthony, tapos isinigaw ni Mace ng lahat ng hinanakit niya sa bundok. Medyo naiyak ako sa part na to kasi alam ko ang feeling ng nasa bundok. Naranasan ko ng umakyat ng bundok at doon ko inilabas lahat ng hinanakit ko (hindi lang sa lovelife mga pare). Wala namang masama kung ita-try niyo. Siguro sa lahat ng sinabi ni Anthony, eto ang pinakamasasabi kong tama. Iba ang pakiramdam ng nasa tuktok ng bundok. Try niyo pramis, di niyo pagsisisihan.


Nandyan pa ba yung shooting star? Kasi kung nandyan pa sya, gusto kong mag-thank you sa kanya kasi hindi ako nag-iisa. Malungkot lang ako pero hindi ako mag-isa ngayon.

Alam mo sa totoo lang hindi ka naman talaga nag-iisa. Naging masyado ka lang tanga at manhid sa mga taong nakapaligid sayo. Nandyan ang Diyos, pamilya mo at mga kaibigan mo. Kaya pilitin mong i-grasp at marealize na sila yung mga taong hinding hindi ka iniwan. Magpasalamat ka kasi sila yung magcocompensate nung pagmamahal na hinahanap mo lalo na sa panahong hindi ka pa nakakahanap ng taong para sayo. Sila yung magpupuno ng puwang na yun. Kaya sana sa susunod na mahanap mo ang bagong magpapatibok ng puso mo, okay na yung 40% mo lang ang ibuhos mo. Yung 20% para sayo. Yung 30% sa Diyos. Yung 10% sa pamilya at mga kaibigan mo.


There are all kinds of love in this world, but never the same love twice. F. Scott Fitzgerald

Eto ang pinaka-bottom line ng pelikula eh. Si F. Scott Fitzgerald. Malamang sa unang basa mo o rinig mo nung sinabi to ni Anthony eh ini-status mo na agad sa FB kahit hindi mo pa alam kung ano ba talaga gusto niyang i-punto.

Kilala niyo ba si F. Scott Fitzgerald? Isa siya sa mga greatest American writers of the 20th Century. Malamang pamilyar din kayo sa mga librong nasulat niya, kasi nagawa nang pelikula. Siya ang nagsulat ng “The Great Gatsby” na pinagbidahan ni Leonardo di Caprio, pati yung “The Curious Case of Benjamin Button” na pinagbidahan naman ni Brad Pitt.

Siguro itong quote na ito ang isa sa pinaka- powerful pagdating sa love, lalo na kapag narealize mo kung ano ba talaga ang pinupunto ni Fitzgerald. Love is very powerful na hinding hindi mo malalaman kung ano ang description. There are all kinds of love in this world- na kahit kailan hinding hindi mo maikukumpara sa isa’t isa. Mahal mo ang pamilya mo, sila ang taong pinaka-una mong minahal. Mahal mo ang Diyos, at iba rin ang pagmamahal mo sa mga kaibigan mo. At syempre romantic love. Lahat pagmamahal. All works because of love. Pero iba-ibang klaseng pagmamahal ang ibinibigay mo at nararanasan mo. Pwedeng dumating ang time na yung affection na hinahanap mo maibigay din ng iba pero hinding hindi ako maniniwala na eksaktong eksakto yung maibibigay niya sayo.

Kaya nga darating yung time na kahit nakakilala ka na ng bago, kahit sabihin mong mas mahigit pa sa nakaraan mo, maalalala at maaalala mo siya dahil may pinanghahawakan ka sa memories niyo na hindi mo makikita sa ibang tao. Kahit nakamove-on ka na, di mo maiiwasang mapangiti kapag binalikan mo yung mga alaala niyo dati kasi alam mong espesyal yun at sa kanya mo lang naramdaman ang kasiyahan na yon. Siguro dahil din to sa fact na wala ka ring katulad sa mundong ibabaw. You are unique among 7 billion people in this world, same sa with 7 billion kinds of love.

 
Para sa mga umibig, nasaktan pero umibig pa din. You know, tatanga-tanga. At sa mga taong hindi pa naranasan ang pumasok sa relasyon. Nasayo naman yan kung maniniwala ka at iaasa mo sa tadhana ang lahat. Pwedeng totoo ang tadhana, pwede rin namang hindi. Pwede din kasi na lahat ng nangyayari sayo eh outcome lang ng mga naging choices mo sa buhay. Tapos binabansagan mo na lang ng tadhana para sa tadhana mo maibaling ang sisi mo. Meron mang tadhana o hindi, isipin mo na lang na lahat ng nangyari sayo ay may kabuluhan. Nadapa ka o hindi naging successful ang tadhana mo, bumangon ka ulit. Nahanap mo ang destiny mo, then deserving ka para maging masaya. Hindi mo pa naranasan ang isang relasyon kasi ipinapaubaya mo na sa tadhana, pwes maghintay ka.

 Where do broken hearts go nga ba? J

No comments:

Post a Comment